AKING AMA AT INA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay.
Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay.
Ako ay inangat sa tugatog ng tagumpay,
Pagmamahal ninyong ibinigay sa akin ay umalalay.
II
Ang mura kong isipan ay inyong hinubog,
Harapin ang buhay at ang bawat bulabog.
Ang lahat ng sa inyo ay sa akin inihandog,
Pag-ibig na tunay sa supling ninyo ay isinabog.
III
Aking nakasanayan ang inyong mga kamay,
Na laging sa hakbang ko ay naka-alalay.
Ang pagkalinga at aruga ay walang humpay,
Na inyong inilatag sa pusong nalulumbay.
IV
Kapanatagan ng puso ay naranasan,
Sa bawat ninyong ginawa ang ligaya ay nakamtan.
Ang hirap ng buhay ay hindi ko natakasan,
Ngunit nalampasan, sapagkat kayo ay nariyan.
V
Walang makakatumbas ng inyong ginawa,
Tunay ninyong pag-ibig sa akin ay kalinga.
Kapayapaan ay nakamtan ng aking diwa,
Ang pag-aaruga ninyo ay tunay na biyaya.
VI
Aking ama at ina, tanggapin itong halik,
Nag-iisang yaman na aking maibabalik.
Sa pagmamahal ninyo ako ay laging sabik,
Damhin ang yakap ko na sa inyo ay namamanhik.
Kommentarer