SANA MAY BUKAS PA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1990
I
Maraming katanungan ang nasa aking puso,
Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto.
Sa madilim kong kahapon ako ay inihango,
Ngunit umalis din at tuluyan ng lumayo.
II
Panandaliang pag-ibig ang aking naranasan,
Saglit lang na dumapo at agad na lumisan.
Hindi ko mabatid ang aking pinagdaanan,
Parang hangin sa paghampas, puso ay nasaktan.
III
Ang una, ikalawa at ikatlong pag-ibig,
Para bang inihatol sa akin ng daigdig.
Isang tinik itong sadyang nakaliligalig,
Hindi na naparam at nanatili sa dibdib.
IV
Hindi ko maihayag ang aking nararamdaman,
May takot ako na hindi ko maunawaan.
Para bang isang sugat na walang kagalingan,
Nadarama ko ay takot na muling masaktan.
V
Wala na ngang kabuluhan ang lahat ng bagay,
Sa kadahilanan ang pag-ibig ay hindi tunay.
Mapagbalatkayong pag-irog ang inialay,
Kaya hangad ko ay tuluyan ng mahimlay.
VI
Maaaring sa kabilang buhay ko makita,
Ang ligayang kailan man ay hindi ko nadama.
Ngayon o bukas, kung mayroon pang umaga,
Hihintayin ko ang hinahangad kong ligaya.
Kommentarer