SANA AY IKAW NA NGA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1990
I
Sabi nila ako daw ay isang hangal,
Dahil hindi daw ako marunong magmahal.
Hindi nila alam ang hangad ko ay matagal,
Hahanapin ko pa ang tunay na dangal.
II
Ngayon ko natagpuan ang aking hinahanap,
Nakita kita doon sa alapaap.
Subalit hindi maabot ang aking pangarap,
Kaya hinintay ko na kusang maganap.
III
Dumating sa akin ang isang umaga,
Kakaibang damdamin ang nadarama.
Tila isang bagong buhay at pag-asa,
Ang sa paligid ko ay aking nakikita.
IV
Ikaw na nga ba ang aking hinihiling?
Salamat sa Diyos at ikaw ay dumating.
Nawa ay makasama kita at makapiling,
Upang ang puso ko ay huwag nang dumaing.
V
Tumingin sa iba itong aking mga mata,
At batid kong sadyang naiiba ka.
Dito sa ating mundo ay nag-iisa ka,
Kaya nais kong ikaw ang aking makasama.
VI
Sana ay ikaw na nga ang aking pag-ibig,
Upang ang puso ay mawalan ng ligalig.
Mahal kita ng higit pa sa ating daigdig,
Dahil ang puso ko ay sa iyo pumipintig.
コメント