AKO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Agosto 27, 2017
I
Sino nga ba ako at ano ako sa mundo?
Katanungan na hindi ko masagot ang totoo.
Wala akong alam sa buo kong pagkatao,
Maliban sa katotohanan na nagmamahal ako.
II
Ako ay bumalik sa tiyan ng aking ina,
Aking dinama ang tibok ng puso niya.
Pawang pag-ibig ang aking napuna,
Kahit na anong galit ay wala akong nakita.
III
Sumilip ako sa diwa ng iba,
Kung sila ba ay katulad kong nagtataka.
Ang napansin ko ay pawang panghuhusga,
Katotohanan sa isip nila ay hindi ko nakita.
IV
Hindi nila alam kung sino at ano sila,
Ang alam nila ay kunin at gawin ang maibigan nila.
Ang diwang napuntahan ko ay mahirap makilala,
Sarili nga nila ay hindi nila makita.
V
Akin na lang kinilala ang aking sarili sa sarili,
Hinalughog ko ang katotohanan na nakakubli.
Pilit kong pinagmunian ang halaga ko at silbi,
At nakita ko na ang pagkatao ko pala ay may sanhi.
VI
Ako ay tao na nilikha ng dahil sa pag-ibig,
May hininga ako upang manatili sa daigdig.
Katungkulan ko ang sa akin ay nagpapatindig,
At sarili ko ay magwawakas sa paghinto ng pintig.
VII
Aking napansin na ako ay iyong kailangan,
Buhay ko ay nilikha ng may sanhi at kadahilanan.
Pag-ibig sa puso ko ay aking natuklasan,
Na ibinigay ng Diyos upang kayo ay pahalagahan.
VIII
Ako ay magiging ako ng dahil sa inyo,
Nilikha ako at nabubuhay ng para sa inyo.
Wala akong ako kung wala lahat kayo.
At nakilala ko ako nang kayo ay pinahalagahan ko.
Commentaires