top of page
Search

DAAN

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Enero 29, 2007

I

Nakikita mo ba ako at nababanaagan?

Parang kailan lang ako ay nasa ibang daan.

Pinanggalingan ko ay kay hirap na balikan,

Doon ay matinik sa masukal na kagubatan.

II

Napakalayo ng nilakaran ko at binaybay,

At ang haba ng daang maraming sangay.

Nakakapagod ng walang gumagabay,

Musmos kong isipan kailangan ko ay karamay.

III

Nagsimula itong buhay ko sa isang mali,

Sapagkat lumaki akong sa damdamin ay sawi.

Ano mang itinanim sa puso ay hindi mababawi,

Kahit sa alaala ito ay namumutawi.

IV

Sa buhay kong ito ako ay naninindigan,

Lakas ng loob ang tangi kong pinanghahawakan.

Kahit na ang buhay sa akin ay bulaan,

Luha sa mata ko ay hindi ninyo maaanigan.

V

Lumaki akong wala man lang mahawakan,

At tanging sa hangin, nakikipagsapalaran.

Hindi ko maihayag yaring nasa kalooban,

Dahil hindi kayang sagutin, bawat katanungan.

VI

Dugo at laman ko ay nariyan sa tabi-tabi,

Pagmamahal ay ibinigay sa araw at gabi.

Ngunit minsan dumaan ang isang hatinggabi,

Sarili ko ay nakita kong walang katabi.

VII

Bawat isa ay nagsanga ng kanilang landasin,

Puso ko ay iniwanan at hindi na pinansin.

Dusa at pait sa isipan ko ay inihain,

Ang akala nila ay manhid yaring damdamin.

VIII

Totoong ito ay hindi nila sinasadya,

Sapagkat ang akala nila sila ay nasa tama.

Kung bubuksan lamang itong puso ko at diwa,

Makikita ay matang bumubukal sa pagluha.

IX

Pamilya ay winasak sa mali nilang akala,

Matapos magmahalan mga puso ay pinalaya.

Ang bawat isa ay naghanap ng kakalinga,

Naiwan yaring musmos ng hindi sinasadya.

X

Ako ay umasa at sa kanila ay naghintay,

Balikan yaring puso kong wala ng karamay.

Nananalig akong sila sa akin ay dadamay,

At muling magkakapit aming bisig at kamay.

XI

Totoong ako nga ay tinangi ng maykapal,

Sapagkat tinugon ang bawat kong dasal.

Pamilya ay binuo niya ng walang sagabal,

At ang bawat isa ay ibinalik yaring dangal.

XII

Alaala na lamang ang nagdudulot ng pait,

Yaring nasa puso ko ay walang ano mang galit.

Kapalaran ko ay tinanggap sakdal sa langit,

Sa Diyos ay pinaubaya ang sa akin ay iginuhit.

XIII

Itong puso ko ay kay hirap na isalarawan,

Sa iba't ibang kulay ito ay pinintahan.

Upang maunawa ang daang nilalakaran,

Bawat kulay ng buhay ay aking dinaanan.

XIV

Kung sakali man sa daan ako ay maligaw,

Yaring nakaraan ko sa akin ay hihiyaw.

Pait na pinagdaanan ay isang batingaw,

At yaring alaala ay tanglaw na mag-iilaw.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page