HULA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1999
I
Sino ka ba para ungkatin ang aking nakalipas?
Para ang buhay ko ay ilantad at isiwalat,
Para ihusga mo sa akin ang lahat.
At sino ka para magsabi ng aking bukas?
II
Ikaw ay isa lamang dumi dito sa mundo,
Mapagkatha ng kung anu-anong kuwento.
Isinasaksak sa isip ay puro hindi totoo,
Guni-guni mo lamang ang pinagsasasabi mo.
III
Sa aking mga mata ay wala kang makikita,
Bawat kong hinagpis ay hindi mo mapupuna.
Basahan mo man ako ng iyong baraha,
Ang lahat ay likha ng diwang mapanghusga.
IV
Ang kapalaran ko ay hindi mo masasabi,
Bawat sabihin mo ay isa lamang guni-guni.
Ginugulo mo lamang pagtulog ko sa gabi,
Mga binigkas mo ay kuliglig sa aking tabi.
V
Sa Diyos lang ako naniniwala,
Sa kanya ko binibigay ang buo kong pagtitiwala.
Wala siyang itutulot na sa buhay ko ay sisira,
Sapagkat bawat iaadya niya sa akin ay biyaya.
VI
Wala kang kakayahan alamin ang bukas,
Hindi mo matatanaw mga nagdaang lumipas.
Katha at guni-guni mo lamang ang pinamamalas,
Isa kang manghuhulang huwad ang binibigkas.
Comments