INIS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Maraming bagay ang sa mundo ay nakakabagot,
Mga pangyayaring hindi batid kung saan hinugot.
Kailan kaya ang lubid ng inis ay malalagot?
Nawa ay sumipot at ang ligaya ay sumulpot.
II
Aking binabalikan ang simulang kay ganda,
Buong akala ko ang lahat ay puro ligaya.
Sa buhay na ito ay may nag-iisang saya,
Yaring inis ang sa iyo ay magpapasigla.
III
Galit sa dibdib ko ay wari bang isinaksak,
Mga kapighatian ang sa puso ko ay nagwasak.
Inis na nadarama sa galit ko ay nagtulak,
Buhay ko ay inihampas kung saan napasadlak.
IV
Dapat ang inis ay huwag natin kainisan,
Hayaan na lamang na ito ay kusang lumisan.
Mapapawi din itong ating nararamdaman,
Hayaan mo ito at ikaw ay lulubayan.
V
Itong inis sa dibdib ay nakakapanikip,
At yaring mundo mo ay kanyang pinasisikip.
Pagpapaubaya ang sa inis ay sasagip,
Diwa ay ipapayapa ng hanging umiihip.
VI
Yaring pagkainis ay malimit nadarama,
Nitong kaisipan na hindi nakakakita.
Lawakan ang diwang laging nangangamba,
Upang lumantad ang inis na kaaya-aya.
VII
Iwaksi ang inis sa pusong naguguluhan,
Buhay mo ay hawakan ng may kahinahunan.
Inis ay nagbubunga ng maling kaisipan,
Hatid nito ay galit na isang kamangmangan.
Comments