ITAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 15, 2001
I
Iisa lamang ang ama sa mundo,
Kaya ikaw ay pinagkakaingatan ko.
Kasiyahan ko ang makapiling mo,
Haligi kang hinahawakan ko sa buhay na ito.
II
Ikaw aking ama ang buhay ko at pag-asa,
Ang tanging nagbibigay sa akin ng saya.
Sa lungkot ng buhay ako ay hindi nag-iisa,
Karamay kita sa hinagpis ko at dusa.
III
Walang dahilan upang tayo ay magkahiwalay,
Magkakasama tayo hanggang sa huling buhay.
Upang maipadama ang pag-ibig na tunay,
Pagmamahal na wagas sa iyo ay iaalay.
IV
Wala akong hinangad na kahit ano,
Maliban lamang sa ikaw ay makapiling ko.
Ikaw ang tanging masasandigan ko,
Hanggang sa kahuli-hulihan nitong mundo.
V
Salamat itay sa bawat mong inialay,
Higit sa lahat sa pagbibigay mo ng buhay.
Sa bawat pag-akay at sa akin ay pag-gabay,
Ang buhay ko ay nagkaroon ng saysay.
VI
Ako ay nagmamahal sa iyo aking ama,
Ginagalang ka at tinitingala kita sa tuwina.
Sapagkat sa akin ikaw ang siyang mahalaga,
Buhay na bigay mo, ang aking hininga.
Comments