KAYO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 1999
I
Hirap na akong kayo ay unawain,
Pagluha ng mata ay hindi na kayang pigilin.
Sakit na dulot ninyo sa aking damdamin,
Ay nagtulak sa akin upang kayo ay sumpain.
II
Ako sa inyo ay sadyang mapagbigay,
Pang-unawa man ito o isang bagay.
Sa inyo rin ako ay dumadamay,
At ang lahat ay aking iniaalay.
III
Walang pagkukulang akong nagawa,
Para ako ay inyong ipagwalang bahala.
Ako sa inyo ay nagpakababa,
Upang higit ko kayong maunawa.
IV
Subalit ang tao ay likas na masama,
Ano man ang gawin ko ay hindi pa rin tama.
Kahit ang lahat ay aking ibiyaya,
Utang na loob ay hindi pa rin magawa,
V
Kaya ano mang hilingin ninyo sa langit,
Dalangin ko ito nawa ay ipagkait.
Dapat lamang akong maging malupit,
Dinulot ninyo sa aki'y pawang mga pasakit.
VI
Wala kayong ginhawang sa mundo'y matatamasa,
Ano man ang gawin ninyo kayo'y walang mapapala.
Luluha kayo at ang matulog ay hindi magagawa,
Ganyan kalupit ang sa inyo ay aking isinusumpa.
VII
Ano man ang kabutihang aking gawin,
Lahat ng ito ay hindi ninyo pansin.
Sariling kapakanan ang inyong mithiin.
Kahit nakasasakit ng ibang damdamin.
VIII
Talagang kayo ay dapat kong isumpa,
Paghihirap ninyo sa mundo ay dapat ngang iadya.
At ang katulad ninyo ay ikinahihiya,
Sa impiyernong apoy, hindi kayo makalalaya.
Comments