PAYO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2014
I
Sa bawat mong problema'y ikaw ang may gawa,
Mga suliranin na ikaw din ang lumikha.
Kung kapalaran man ang sa iyo ay nag-adya.
Iyong tinanggap sa pag-aakalang ito ay tama.
II
Sa bawat hakbang ng buhay ikaw ay mag-isip,
Turuan ang sarili na kasiyahan ay mahagip.
Kung sa pangarap ay malimit kang managinip,
Abutin mo ito ngunit katotohanan ay ikipkip.
III
Huwag mong aabusuhin ang iyong kakayahan,
Ang bawat kaya mo ay mayroong hangganan.
Kung sumapit sa iyo ang isang kasawian,
Kamaliang nagawa ay huwag muling balikan.
IV
Nakapila sa isipan ang nais mong makamit,
At yaring tukso ay malimit na lumalapit.
Diwa mo ay huwag maging makulit,
Sapat lang ang dapat mong sa sarili ay ipilit.
V
Huwag mong hangarin ang lahat ng bagay,
Ang hihigit sa kailangan mo'y may luhang taglay.
Tulad ng pag-ibig na sa iyo ay ibinigay,
Isa lang ang nararapat na sa puso mo'y umalalay.
VI
Ang iyong kayamanan sa palad mo ay ingatan,
Sapat na pangangailangan yaring gastusan.
Kung ikaw ay lalabis sa hindi mo kailangan,
Pang-aabuso ay kawalan ng kahahantungan.
VII
Mithiin sa buhay ay ipangarap mo at itaglay,
Yaring pagkatao mo ay bigyan mo ng kulay.
Kung saan ka nakahihigit ito ang sa iyo'y gagabay,
Ilandas ang sarili kung saan ka nababagay.
Kommentare