top of page
Search

TAWA

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Agosto 2002

I

Yaring lungkot ay hindi ko kilala,

Maging ang kapighatian ay hindi ko nakasama.

Ni ang pagdurusa ay hindi ko nakabarkada,

Kahit na ang lumuha ay hindi ko pa nadarama.

II

Sino ba sila. . . ?

Tiyak na sila ay walang kakuwenta-kuwenta.

Dahil sila ay narinig kong isinumpa ng iba,

Puso ng tao ay kanilang sinaktan sa tuwina.

III

Kaya nga hindi ko sila pinapansin,

Kahit tingnan ay ayaw kong tumingin.

Baka sirain lang niya ang aking damdamin,

Maging sanhi pa ng maaga kong pagkalibing.

IV

Mas gusto ko ang ganitong buhay,

Masaya na ako sa simpleng pamumuhay.

Si ligaya lamang ang gusto kong kaagapay,

At tanging halakhak ang gusto kong karamay.

V

Ito ang gusto ko… tumawa ng tumawa,

At sa mundo ay magsaya ng magsaya.

Dahil damdamin ko ay pinuno ko ng pag-asa,

Upang ang pagdurusa ay hindi ko makasama.

VI

Walang sa akin ay makapag-papalungkot,

At ang buhay ko'y 'di magiging masalimuot.

Dahil hindi ako mahilig sa gusot,

Kahit may problema ay hindi ako nababagot.

VII

Hindi ko pinahihirapan ang aking buhay,

Ang gusto ko ay masaya akong mamamatay.

Kaya tinanggap ko ang lahat ng bagay,

Upang maging matiwasay ang aking paghimlay.

VIII

Ayaw ko ng mahabang usapan,

Kaya pakikipag-argumento ay aking iniiwasan.

Ang gusto ng iba ay aking pinagbibigyan,

Kung saan sila masaya, kanilang pangatawanan.

IX

O diba, ang buhay ay kay dali?

Pakiki-bagayan mo lang ang agos kahit na sandali.

Kaya nga iniiwasan ko ang sa iba ay mamuhi,

Tanggap ko rin naman kahit sino ang magwagi.

X

Lahat ng bagay ay aking tinanggap,

Kaya ang malungkot ay hindi ko nalasap.

Kung ang puso ko man ay naghihirap,

Patak ng luha sa akin ay hindi magaganap.

XI

Ang bawat bagay ay tinatawanan ko,

Kahit na ang kabiguan ay kinasisiya ko.

Mababago ko ba, kung magmumukmok ako?

Pasasakitin ko lang ang aking ulo.

XII

Ito ang buhay, makuntento sa simpleng bagay,

Tanggapin, kapalaran na sa atin ay ibinigay.

Magpakasaya habang may buhay,

Tsaka na ang lungkot kapag ako ay namatay.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page