top of page
Search

UBAN

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 1 min read

Pebrero 11, 2007

I

Putong ng korona yaring iyong uban,

Sumasalarawan sa iyong katandaan.

Hudyat ng pagdating nitong kamatayan,

Paghahanda sa huling kahahantungan.

II

Hindi napipigil ang pagputi ng buhok,

Parang dahon na unti-unting nabubulok.

Kahit magtago ka at umakyat sa bundok,

Ang agos ng tubig ay hindi nasasalok.

III

Iyong pinagsimulan ang siya mong wakas.

Isinilang kang mahina at walang lakas.

Pagkabungal at pagkakalbo ay mararanas,

Tulad ng sa mundo ng ikaw ay lumabas.

IV

Yaring pagtanda ay pinaghahandaan,

Katulad ng magandang kinabukasan.

At upang ikaw ay hindi kaawaan,

Sikaping tumanda ng may kayamanan.

V

Nakakahabag ang sa iba ay manghingi,

Kahit sabihin pang sila ay iyong kalahi.

Yaring pinamana ay hindi mo mababawi,

Ibigay sa oras ng iyong pagkasawi.

VI

Katandaan ay huwag maging kahinaan,

Ituloy ang buhay ng may kakayahan.

Lungkot ay iwaksi sa iyong isipan,

Ang poot at galit ay iyong talikdan.

VII

Huwag mong sayangin ang nalalabing oras,

Isipin mong bawat ngayon ay walang bukas.

Upang iyong magawa ang dapat ilunas,

Sa pagkakamaling sa puso ay bumukas.

VIII

Yaring uban ay kay hirap na pintahan,

Lumalantad ang kulay kahit na kulayan.

Huwag mong pipigilin ang katandaan,

Ikaw ay mapalad sa koronang nakamtan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comentários


bottom of page