AKO ANG SA AKIN AY BUMIGO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 14, 2007
I
Minsan binalikan ko ang aking nakalipas,
Muli kong tinanaw ang pag-ibig na hindi kumupas.
Akala ko ang lahat ng bagay ay sadyang likas,
Mga pagkakamali ang sa pighati ay bumukas.
II
Tingnan at titigan yaring matang nangungusap,
Habang pinagmamasdan ang lungkot ay malalasap.
Iyong madarama ang bawat kong paghihirap,
Na kumitil sa puso ko at mga pinangarap.
III
Ako ay huminto na lakarin yaring aking buhay,
Upang mabalikan ko ang dati kong binaybay.
Maaari ngang mali ang aking pagkukulay,
Kaya ang dusa sa akin ay hindi humiwalay.
IV
Ang lahat ng nagawa ko ay nagawa na,
Bawat kong pagkakamali ay ako ang may sala.
Kaya ako ngayon ay tunay na nagdurusa,
Mga pagkakamali ko sa akin ay parusa.
V
Inayunan ko ang takbo nitong panahon,
Sa mali man o sa tama ako ay sumang-ayon.
Sa pag-aakala kong kaya ko itong alon,
Ako ay sumabak sa udyok nitong paghamon.
VI
Sa sarili kong puso ay ako ang bumigo,
Yaring aking diwa ay kalituhan ang natamo.
Naki-ayon ako sa tadhanang mapagbiro,
Tinakasan ko ang tamis ng unang pagsuyo.
VII
Aking pinangambahan ang magbakasakali,
Itinago ang pag-ibig ng walang pasubali.
Ang una kong pag-ibig ay akin ngang sinawi,
Sa pag-aakala ko na ang magmahal ay mali.
VIII
Kinatakutan ko ang humarap sa katotohanan,
Sapagkat nangangamba ako sa kahahantungan.
Na magmahal ng wagas at buong katapatan,
At pagkatapos ng lahat ako ay talikuran.
IX
Kaya ako ay nagmadaling agad na umalis,
Pinagkalayu-layo ko ang pagsintang kay tamis.
Sapagkat takot ako sa paghihinagpis,
Sa mali kong akala ang puso ko ay binuwis.
X
Sadya ngang ako ang sa puso ko ay bumigo,
Pinangunahan ko ang maaari kong matamo.
Kaya ngayon ay nagdurusa yaring puso,
Dahil unang pag-ibig sa puso ay hindi naglaho.
XI
Kung sakali man na may nakaraan na bubukas,
Ang pagkakataon na ito sa puso ko ay lunas.
Agad ko ng ilalahad ang pagsinta kong wagas,
Na hindi ko nabanggit kaya hindi nagwakas.
Comments