AKO AY AKO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1999
I
Ako ay ako at hindi katulad ninyo,
Bakit hindi ninyo matanggap ang pagkakaiba ko?
Huwag ninyong ikumpara ang aking pagkatao,
Sadya talagang magkaiba, kayo at ako.
II
Alam ko na marami akong kapintasan,
Mga pagkukulang at mga kahinaan.
Wala akong ganda at maging katalinuhan,
Na maaaring pumantay sa inyong katauhan.
III
Baguhin ko man ang sarili ay iisa ang itsura,
Ano man ang aking gawin ay ito lang ang ganda.
Pag-aralan ko man ang lahat ay ito lang ang kaya,
Hanggang dito lang, kakayahan kong maipakikita.
IV
Buksan ninyo ang inyong puso upang ako ay mapuna,
Ang isipan ninyo ay turuan sa sanhi ko at halaga.
Upang sa inyong mga diwa ay lumantad ang saya,
Sa kapwa mo, ikaw ay matutong magpahalaga.
V
Gaano ba ang galing na inaasahan ninyo sa akin?
Upang makasunod ako sa inyong alituntunin.
Ano bang itsura ang ibig ninyong mapansin,
Mamahalin bang damit ang dapat kong suotin?
VI
Turuan ninyo ang inyong isipan na mapaghusga,
Upang makita ninyo ang saysay ng bawat isa.
Ako ay katulad mong ikaw na naiiba sa iba,
Katangian natin ay may halaga na kay ganda.
Commentaires