top of page
Search

AKO AY AKO LAMANG

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Setyembre 1990

I

Ako ay ako lamang sa tingin ng iba,

Hindi maipagmamalaki kahit saan pumunta.

Wala akong katangian na maaaring ipakita,

Sa mundong ito ay isa lamang akong basura.

II

Wala akong kagandahan na sa iyo ay maihaharap,

Wala akong talino upang sa iyo ay mangusap.

Wala akong pag-ibig na maaaring lumingap,

Wala akong maipagmamalaki maging aking pangarap.

III

Kaya ano ang sa iyo ay maihahandog?

Ito bang aking labi na sa pagbigkas ay walang tunog?

O ang aking pangalan na hindi naman bantog,

Marahil ang pagiging ako, sa puso mo'y bumulabog.

IV

Wala akong mga mata na maaaring tumingin,

Wala akong mga tainga upang salita mo ay dinggin.

Wala akong mga kamay upang ikaw ay haplusin,

Wala rin akong puso upang ikaw ay ibigin.

V

Ako ay nilikha na sa mundo ay wala,

Hubo at hubad akong sa daigdig ay gumagala.

Wala akong kaalaman kung paano ang kumalinga,

Wala rin akong kayamanan na sa iyo ay maiaadya.

VI

Walang katangian na sa akin ay makikita,

Walang pagmamahal na sa akin ay madarama.

Walang kayamanan na sa akin ay makukuha,

Sa piling ko ay walang maaaring lumigaya.

VII

Ako ay ako lamang sa kanino man tao,

Hindi maipagmamalaki o maisisigaw sa mundo.

Pangkaraniwan lamang ang pagiging ako,

Nakakahiyang mahalin ang isang katulad ko.

VIII

Kung matatanggap mo ang pagiging ako,

Hindi ka magsisisi sapagkat ako ito.

Walang halong pagkukunwari sa aking puso,

Sapagkat ang pagiging ako ay hindi ko itinago.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Kommentare


Dieser Beitrag kann nicht mehr kommentiert werden. Bitte den Website-Eigentümer für weitere Infos kontaktieren.
bottom of page