AKO AY DAMHIN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Lumulutang sa hangin yaring aking isipan,
Sapagkat ang dibdib ay nasadlak sa kasawian.
Bawat gawin ko ay walang patunguhan,
Kabiguan lamang ang aking kinahantungan.
II
Masdan ang mata kong lumuluha ng dugo,
Damhin ang tibok ng puso kong bigo.
Sarili ay nais kitilin, sa pighating natamo,
Lisanin ang mundong sa akin ay mapagbalatkayo.
III
Walang sino man ang sa akin ay nagsabi ng tapat,
Bawat gawin nila ay palingharap lahat.
Maging ang pag-ibig na sa kanila ay nagbuhat,
Ang kalingang ibinigay sa akin ay salat.
IV
Ako ngayon ay inyong pagmasdan,
Titigan ang mata kong isang luhaan.
Damhin ang tibok ng puso kong sugatan,
Sa buhay na ito, ako ay isang talunan.
V
Ako ay inyong damhin sa inyong puso,
Haplusin ninyo ang diwa kong bigo.
Ang lahat nga ay hindi ko napagtanto,
Ang inyong haplos sa akin ay bagong yugto.
VI
Batid kong ako ay sawi sa mali kong akala,
Sapagkat hindi ko dinama ang ligayang natamasa.
Ang dapat ko sana na unang ginawa,
Kayo ang damhin ng puso kong mapagnasa.
Commenti