AKO AY ISANG INA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 15, 2008
I
Ako ay isang babaeng hinugot kay Adan,
Laman ko ay katulad ng kanyang katauhan.
Kawangis at kahugis sa pangangatawan,
Ngunit ang damdamin ay hindi iisa ang laman.
II
Anak kong minamahal sa sinapupunan ko'y iniluwal,
Bunga ka ng pag-ibig na sa akin ay isang dangal.
Walang salita ang sa akin ay makapagpaparangal,
Maliban sa tinig ng anak kong minamahal.
III
O orasan. . . kay bilis ng iyong pagtakbo,
Anak kong ginigiliw kasabay mong lumalayo.
Kay hirap awatin ang bawat pagbabago,
Sa puso ko ay nagdudulot ng kakaibang anyo.
IV
Pakinggan mo aking anak ang bawat kong habilin,
Lahat ng sa akin ay iyo ngang angkinin.
Maging ang sandali na sa iyo ay inihahain,
Yapusin mo ang kalinga kong isang bituin.
V
Ako ay isang ina na malimit mong makita,
Pagmulat ng mata mo ako ay nasa tabi mo na.
Lumulubog na araw ay inaabangan ka sa tuwina,
Upang sa dibdib ko ay ihiga ka at magpahinga.
VI
May isang sandali na ako ay hindi mo nakita,
Sa lansangan ay malimit akong pumupunta.
Hanap ko anak ang iyong ikasisiya,
Na aking iiwanan sa huli kong hininga.
VII
Ang bawat mong mali sa akin ay hindi sala,
Sapagkat inuunawa ko ang bawat mong pasya.
Huwag mo sanang isipin na hindi ka mahalaga,
Lahat kong ginawa ay masdan mo at makikita.
VIII
Ikaw aking anak ang nag-iisa kong yaman,
Na sa buong buhay ko ay aking iniingatan.
Kahit na galos ay hindi ka masusugatan,
Sa aking palad anak, ikaw ay pangangalagaan.
IX
Ako ay isang ina sa anak kong ginigiliw,
Pag-ibig kong wagas sa iyo ay hindi magmamaliw.
Kahit ang isipan ko sa lungkot ay mabaliw,
Pangalan mo anak ang sa akin ay umaaliw.
X
Ako ay isang ina na sa iyo ay nagbibilin.
Buhay mo anak sa Diyos ay ipaangkin,
Upang ang kasawian ay hindi mo mapansin,
At sa palad ng Diyos ikaw ay aarugain.
XI
Hawakan mo anak ang nag-iisang buhay,
Na aking iningatan at iyo ay inialay.
Hindi ko nais na ikaw ay malumbay,
Pawang ligaya ang sa iyo ay ibinibigay
XII
Sa kandungan ng lupa ako ay mahihimlay,
Ngunit ang pagiging ina ko ay hindi mamamatay.
Kung makalimutan man akong matawag mong inay,
Hindi kita lilimutin hanggang sa kabilang buhay.
Comments