ALAY NG INA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 3 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 4, 2007
I
Ikaw ay aking dinala sa aking sinapupunan,
At siyam na buwan kang nasa aking katawan.
Nag-iisa kong buhay ay sa iyo ko inilaan,
Sa pagluluwal, handa ako sa kamatayan.
II
Walang kasing saya ng ikaw ay aking nakita,
Galak na galak ako sa ating pagsasama.
Ang pag-aaruga ko sa iyo, dulot sa akin ay saya,
Sa dibdib ko ay kinalinga ka sa tuwi-tuwina.
III
Ngayon ay hindi ka na mahawakan ng aking bisig,
At ang kaisipan mo ay hinubog na ng daigdig.
Bagamat sa puso ko ay may pangamba at ligalig,
Hahayaan kitang paa mo ay matutong tumindig.
IV
Ikaw ay lumaking pinuspos ko ng pangarap,
Upang sa mundo ay matuto kang humarap.
Sa ligaya man o pighati ay kaya mong tumanggap,
Sa Diyos ay aking hiniling na gabayan ka at ilingap.
V
Pakiusap aking anak tinig ko ay pakinggan,
Damhin ang puso kong sa iyo ay nananawagan.
Ibig ko sanang ikaw ay muli kong mahawakan,
Tulad ng dati na nasa aking kandungan.
VI
Buksan mo aking anak, munti mong kaisipan,
Unawain mo sana pusong nananambitan.
Sabik ako sa dati-rati nating lambingan,
Naiwan ng panahon sa hindi inaasahan.
VII
Tayo ay nagsasama ngunit hindi nagkikita,
Sa dilim nitong umaga ako ay wala na.
Sumapit man ang hatinggabi ako ay wala pa,
Sa daan ay naghahanap ng sa iyo ay ipamamana.
VIII
Maaaring ginagawa ko ay hindi mo pansin,
Akala mo ba anak ako ay may ibang mithiin?
Paghihirap ko anak ay iyo ngang angkinin,
Sa iyo ito nakalaan buhay ko man ay kitilin.
IX
Tinig ko ay pakinggan mo ginigiliw kong anak,
Noong isinilang ka, puso ko ay nagalak.
Iingatan kong ikaw ay hindi mapahamak,
Kahit na ako ay sa dusa pa mapasadlak.
X
Yaring mga paa ko ay laman nitong lansangan,
Hanap ko ay bukas na sa iyo ay ilalaan.
Kahit putik ang nilulubluban at nilalakaran,
Ikaw ay ilalagak ko sa maayos na kanlungan.
XI
Sa buhay na ito ay may isa akong minimithi,
Ikaw ay iingatan at hindi ko hahayaan na masawi.
Buhay kong ibinigay ay handang ialay muli,
Dahil ikaw ay aking anak, na aking tinatangi.
XII
Wala akong oras na sinarili at inangkin,
Ang araw at gabi ay hindi ko pinansin.
Upang sa iyo ay may bukas akong maihain,
At maganda mong kapalaran ay aking dinadalangin.
XIII
Nagkulang ba ako ng ikaw ay nasa kandungan,
Bakit ang puso ko ay malimit mong sinasaktan ?
Ang buhay mo anak, sa mundo ay pagkaingatan,
Dahil kapag ikaw ay nasawi ako ang luhaan.
XIV
Aking anak, ako sa iyo ay may hinihingi,
Tamis ng iyong pag-ibig sa puso ko ay idampi.
Buhay mo aking anak ay pagkaingatan mong lagi,
At sa iyong tagumpay ay ako ang siyang nagwagi.
XV
Mata mo ay iingatan kong huwag na lumuha,
Sisikapin kong ang lahat ay akin ngang magawa.
Kung kapos man anak ang bawat kong iniadya,
Ito lang ang kaya, sa abot ng aking pang-unawa.
XVI
O aking anak, ibig kong ikaw ay aking mayupyop,
Upang maiiwas sa mundo ng pagdarahop.
Kung sa paligid mo ay may mabangis na hayop,
Hindi ka masasaling kapalit man ay salop.
XVII
Aking anak, puso ko ay iyong pakinggan,
Dinggin mo itong aking bawat pananambitan.
Ang lahat ng ito ay sa iyong kapakanan,
Ingatan yaring buhay na sa iyo ay inilaan.
XVIII
Ang tangi kong alay nawa ay iyong tanggapin,
Pagmamahal kong wagas sa puso mo ay iangkin.
Kung may kakulangan man sa aking inihain,
Patawad aking anak, ito lang ang kaya kong gawin.
XIX
Sa tamang landas anak ay doon ka tumahak,
Umiwas ka sa mali at sa tama ka lumagak.
Sapagkat hindi ko nais na luha mo ay pumatak,
At mag-iwan ng batik na wari bang itinatak.
XX
Sa Diyos aking anak ikaw ay magpahawak kamay,
Dalangin ko ay tanglawan ka at sa daan ay igabay.
Kung sakali man lilisan ako at mahihimlay,
Pag-ibig ko ay maiiwan, na sa iyo ay papatnubay.
Comentários