ALIPIN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 9, 2010
I
Simple lang ang buhay aking kaibigan,
Ang lahat ay tatakbo kahit hindi mo galawan.
Ikaw ay mangarap ng may hangganan,
Upang hindi maging alipin ng sariling kagustuhan.
II
Lahat ng bagay ay may katapusan,
Ito ay aabot hanggang sa hangganan.
Ikaw ay huwag paalipin sa isang orasan,
Buhay ng tao ay sadyang pakikipagsapalaran.
III
Sino ba ang may batid ng bawat bukas?
Wala kang matutukoy maging ang iyong wakas.
Kaya ang ligaya ay damhin mo sa bawat oras,
Ikaw ay umagos at gamitin ang iyong lakas.
IV
Sarili mo ay huwag mong gawing alipin,
Utusan ng yaman na hindi mo maaangkin.
Ikaw ay malaya sa bawat mong nanaisin,
Ngunit ang lawak ng dagat, 'di kayang yapusin.
V
Baybayin mo ang bawat segundo,
Damhin ang biyayang iyong natamo.
Ikaw ay lumakad at huwag tumakbo,
Tunay na tagumpay ay makakamtan mo.
VI
Hinay-hinay lang aking kaibigan,
Ang lahat ng bagay ay iyong makakamtan.
Kung ito man ay maging isang kabiguan,
Biyaya ito, sapagkat kaya mong lampasan.
Commenti