AMPON
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 29, 2007
I
Masdan mo aking ina, yaring pagdurusa,
Nang iniwan mo ako sa kandungan ng iba.
Ilang araw lamang ng tayo ay nagkasama,
Ipinamigay mo ako sa hindi mo kilala.
II
Bawat kadahilan mo ay hindi ko mawari,
Bakit mo ako iniwanan at hindi inari?
Pagkakasilang ko ba ay isang pagkakamali,
Kaya iniwan mo ako sa hindi ko kalahi?
III
Ako ay lumaki sa maayos na tahanan,
Pamilya ko dito ay ang aking nakagisnan.
Ang ina ko dito ay tunay na huwaran,
Amang nagmamahal, ako ay hinawakan.
IV
Sa aking akala ako ay may kapatid,
Pagmamahal nila sa akin ay walang patid.
Kinalinga at inaruga ng walang bahid,
Pagtanggap sa akin ay hindi iniligid.
V
Yaring kabataan ko ay tunay na ligaya,
Sapagkat ang katotohanan ay hindi mahalaga.
Basta ako ay may inaaring ama at ina,
At kapatid na kasama ko sa tuwina.
VI
Minsan sa isang sandali ng aking buhay,
Ako ay nag-isip at puso ko ay nagnilay-nilay.
Katanungan ko ay bakit ako pinamigay?
At ako ay hinayaan lumaki sa ibang mga kamay.
VII
Kay daming tanong sa isipan ko ay naglaro,
Iba't ibang damdamin sa puso ay naghalo.
Galit sa dibdib ko ay waring hindi guguho,
Hapding dinaranas ay hindi maglalaho.
VIII
Kay hirap ng wala kang pagkakakilanlan,
Masdan mo yaring mata lagi ng luhaan.
Pagkatao ko ay hindi ko maunawaan.
Nang iniwan mo ako inay, ako ay nasaktan.
IX
Kung nasaan man kayo aking ama at ina,
Sana ay malaman ninyong puso ko ay nagdurusa.
Hangarin ninyo rin sana na ako ay makita,
Sapagkat aking pinangarap na kayo ay makasama.
X
Napakahirap nitong aking katayuan,
Nahihiya ako sa pamilya kong nakagisnan.
Tanging magagawa ko, sila ay pasalamatan,
At ayusin yaring buhay, na kanilang iningatan.
XI
Ina kong inaari, ako ay nagpapasalamat,
Buhay ko ay inayos mo kahit may bagamat.
Pagmamahal na ibinigay sa akin ay hindi salat,
At ang lahat mong ginawa ay higit sa sapat.
XII
Ama kong inakala, ikaw ay tinitingala,
Pagtingin mo sa akin ay kahanga-hanga.
Bagamat ako ay nagkamali ngang sadya,
Puso mo ay binuksan at ako ay inunawa.
XIII
Sa inyong mga supling ako ay nahihiya,
Pagmamahal ninyo sa akin ay inilaan at sinadya.
Sa bawat araw, ako ay hindi ninyo ikinahiya,
Pagtanggap ninyo sa akin ay tunay na biyaya.
XIV
Pagmamahal na sa akin ay ipinadama,
Hahawakan ko ito sa tuwi-tuwina.
Sapagkat sa buhay na aking dinadala,
Kayo ang tunay na sa akin ay mahalaga.
Comentarios