ANAK SA ANAK
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 22, 2009
I
Ikaw ay isang anak bago naging ina,
Ako ay iyong anak at ikaw ay anak ng iba.
Damdamin natin ay hindi magkaiba,
Ang pagiging anak ay iisa ang nadarama.
II
Hindi ko pa nadarama ang pagiging isang ina,
Anak mo ako na hindi pa nagbubunga.
Damdamin ko inay alam mo at nadarama,
Sapagkat ikaw ay anak, katulad kong nangangamba.
III
Itong aking puso sa mundo ay natatakot,
Hanap ko ay isang ina, na sa pag-iisa ay sasambot.
Sa buhay kong ito katuwang ka sa lungkot,
At sagot sa bawat tanong kong paikot-ikot.
IV
Ang buhay kong tangan ay tila maingay,
Dahil ang diwa ko ay nag-iisip at nagninilay.
Batid ko ina, na ikaw sa akin ay gagabay,
At yaring tinig mo ang sa akin ay aalalay.
V
Kung paanong ikaw ay iningatan ng iyong ina,
Ako ay iyong itatangi tulad ng pagtangi niya.
Ako ay tulad mo na sa mundo ay nagtataka,
Ngunit naging panatag sapagkat nariyan ka.
VI
Inay, aking ina, ako ay nabigyan mo ng saya,
Katahimikan ng puso ay sa diwa mo nakuha.
Ang kapayapaan ay sa iyo ko nadama,
Na aking iingatan hanggang ako ay maging ina.
Comentários