ANG AKING KAHALAGAHAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1999
I
Hindi ko ibig na ako ay sigawan,
Kausapin mo ako ng may kahinahunan.
Ang lahat ay aking maiintindihan,
Ipaunawa mo ito, at aking mauunawaan.
II
Hindi ko hinangad ang ano mang yaman,
Sapagkat ikaw ang tangi kong kailangan.
Kung ako ay iyong pinahahalagahan,
Ang pagtingin mo ay ang aking kasiyahan.
III
Hindi ko nais na ako ay iwanan,
Yaring buhay ko ay iyong pagkaingatan.
Damdamin at isipan ay pagkahalagahan,
Isipin ang salita bago bitiwan.
IV
Pagbibigay halaga ay mahirap gawin,
Isasakripisyo ang sarili at damdamin.
Ang kahalagahan ay mahirap sambitin,
Sapagkat ang salita ay hindi hampas sa hangin.
V
Ang aking kahalagahan ay ipakita,
Sa aking damdamin ay iyong ipadama.
Salita mo ay bigkasin na waring kanta,
Puso ko ay maaaliw sa tuwi-tuwina.
VI
Maayos na pagtutunggali ay ibigay,
Sa puso at isipan ay nakakadalisay.
Pagpapahalaga mo ay mayroong saysay,
Ganti ko ay pag-ibig na sa iyo ay dadamay.
Comentarios