ANG AKING KAPATID
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2014
I
Kaligayan ko ay walang patid,
Sa tuwing inaalala aking kapatid.
Natatamasa ko ay sayang inihahatid,
Mga alaala sa puso, sa luha ay nagpapahid.
II
Kamusmusan man ay aming nakaligtaan,
Luha man ang dulot ito ay amin nakayanan,
Bawat hinagpis ay ginto namin tiningnan,
Upang amin malampasan yaring kalungkutan.
III
Ligayang tinatamasa ay tila isang langit,
Ang aming mga kamay mahigpit kung magkapit.
Hangin man sa amin ay humampas na pilit,
Kami ay hindi matitinag sa bawat hagupit.
IV
Ang aking kapatid ay ang aking buhay,
Lilipas ang lahat pagmamahal ko ay hindi tatamlay.
Sa bawat sandali ang buhay ko ay iaalay,
Kahit sa gunita ako sa inyo ay hindi wawalay.
V
Nagsanga man ang landas nating tinatahak,
Sa paglalayo, luha ko ay pumatak.
Bagamat puso ko ay sa lungkot nasadlak,
Hindi mapapawi ang ligayang nakatatak.
VI
Hindi matutumbasan ng kahit ano,
Mga sayang sa isa't isa ay natamo.
Sa puso ko ay may isang hindi mababago,
Pagmamahal ko sa kapatid ang aking paraiso.
Comments