ANG AKING PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 2006
I
Sa aking pag-iisa puso ay naghanap ng makakasama
Isang pag-ibig na sa tuwina ay magdudulot ng saya.
Sa dambana ay nagtungo at doon ay isinumpa,
Pagmamahalang tunay sa isa't isa ay iaadya.
II
Pagsubok man ang sa atin ay dumatal,
Hindi mangyayaring mawala ang pagmamahal.
Ikaw ang pag-ibig na tangi kong dinasal,
Sa dagok ng buhay ay hindi tayo mabubuwal.
III
Biyayang supling sa atin ay ibinigay,
Asahan mo na ako ay kanilang gabay.
Hindi ko pahihintulutan na sila sa atin ay mawalay,
Sila ay ipagtatanggol ng aking mga kamay.
IV
Maaaring tinig ko ay hindi mo naririnig,
At hindi mo rin nadarama ang pusong pumipintig.
Na ang tanging ninasa ay magkaisa ng himig,
Yaring aking pamilya ang tunay kong pag-ibig.
V
Pagmamahal ko ay iyong masasandigan,
Magbibigay sa iyo ng wagas na kapayapaan.
Asahan mo na ikaw ay aking iingatan,
Hindi ka masasaling ng kahit sino man.
VI
Habang ako ay nabubuhay sa mundo,
Walang sino man ang makakasakit sa iyo.
Handa kong ibuwis yaring buhay ko,
Na noon pa man ay inialay ko na sa iyo.
Comments