ANG BUHAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 18, 2017
I
Mga katanungan na paulit-ulit,
At ang tamang kasagutan ay hindi makamit.
Bakit mayroong buhay na isang saglit?
Ang hangganan ba ng tao ay saan sasapit?
II
Pinagmunian ko ang sarili at ang aking buhay,
May lungkot at saya itong tinataglay.
Ang dusa ay kaakibat ng bawat tagumpay,
At ang luha ay dumadampi sa pusong nalulumbay.
III
Hinawakan ko ang buhay at pinagmasdan,
Ito pala ay isang yaman na dapat ingatan.
Lakaran ang daan na sa atin ay inilaan,
At ang tungkulin ay gampanan ng may kasiyahan.
IV
Sadya talagang ang buhay ay hindi maarok,
Maging ang bawat suliranin at mga pagsubok.
Ano ba ang sanhi nitong bawat dagok?
At bakit ang tao ay nilikhang marupok?
V
Tuklasin mo ang kababaan ng kalooban,
Upang ang lahat ay iyong maunawaan.
Tao ay nilikha na may kanya-kanyang kalagayan,
Upang iyong maunawa ang sanhi at kadahilanan.
VI
Ang buhay ay isang katungkulan,
Nakaatang na tungkulin ay dapat gampanan.
May simula at wakas itong kahahantungan,
Na dapat natin harapin ng may paninindigan.
Comments