ANG PUSONG UMIIBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 2, 2012
I
Ako ay naglalakad sa ilalim ng buwan,
Kumikislap na bituin ang aking ilawan.
Maliwanag ang langit sa gitna ng kadiliman,
Sapagkat ang pag-ibig ay aking tangan-tangan.
II
Paa ko ay nakalutang sa ibabaw ng hangin,
Hindi ako mabubuwag kahit na salingin.
Yaring pag-ibig, pag iyong inangkin,
Puso ay mapapanatag kung mamahalin.
III
Kaya kong salubungin ang alon sa dagat,
Sapagkat alam ko kung ano ang dapat.
Ang pusong umiibig alam ang lahat,
Kahit paa ay mapadpad saan mang gubat.
IV
Ang pusong umiibig, tanaw ang bukas,
Puso ko ay nakahanda sa ano mang ihampas.
Ang bawat pasakit sa puso ay hindi babakas,
Puso kong umiibig, sa lungkot ay may lunas.
V
Yaring kasiyahan ay bitbit ng puso,
Ano mang aking tangan may sayang natatamo.
Bagamat may kasawian sa bawat yugto,
Sa awit ng pag-ibig, lungkot ko ay nasusuyo.
VI
Ang puso kong umiibig ay hindi makasarili,
At pawang pagmamahal ang malimit na sinasabi.
Walang galit na kinipkip at itinatabi,
Ang puso kong umiibig, kalinga ang humuhuni.
Comments