ANINO SA DULO NG KAHAPON
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 1999
I
Patuloy siyang nakikita ng aking paningin,
Hanggang ngayon ay nadarama yaring damdamin.
Isa itong anino na marka sa salamin,
Na ayaw humiwalay sa aking landasin.
II
Masasaya at malulungkot na alaala,
Ang akala ko sa puso ay wala na.
Sa buhay kong nilalakbay, nakaraan ay hila-hila,
At itong puso at isipan ko ang siyang nagdala.
III
Walang kahapon na nilimot ng panahon,
O mga nagdaan na basta na lang itinapon.
Kung wala ang noon ay wala rin ang ngayon,
Sapagkat ang kahapon, sa tao ay isang hamon.
IV
Mga suliranin na nagpaulit-ulit,
Kasiyahan sa isip ay hindi mawaglit.
Anino sa kahapon ang siyang lumalapit,
Kaya hindi malilimot hilingin man sa langit.
V
Magpahampas-hampas man ang aking isipan,
Ang nakaraan ay tila hindi ko mabitiwan.
Sapagkat ang lumipas ay aking kasiyahan,
Bagamat ito ay nagdulot sa akin ng kasawian.
VI
Anino man ito sa dulo ng kahapon,
Binitbit ng diwa kong naghahanap ng noon.
Yaring aking pag-ibig kahit na may paghamon,
Ang aking lumipas ay tangan-tangan ko ngayon.
Комментарии