ANO ANG NANGYARI ?
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2014
I
Ano ang nangyayari?
Sa aming tahanan, walang umuuwi.
Naligaw ba ako o nagkamali?
Nananahan sa amin ay pusong sawi.
II
Ako ay sumigaw sa aking paghahanap,
Tinawag ko ang nakatalagang lilingap.
Walang tugon na sa akin ay humarap,
Bingi sa katotohanan at nagpapanggap.
III
Sumilip ako sa aming bintana,
Bawat isa ay nakita kong lumuluha.
Patungo kung saan hatakin ng tadhana,
At ang lumingon sa akin ay hindi magawa.
IV
Tinakasan nila ako at sa lungkot ay iniwanan,
Luha ang kumapit sa aking kabiguan.
Ang kanilang paglisan ay hindi ko maunawaan,
Saan sila tutungo at ako'y kanilang tinalikuran?
V
Ang dilim at liwanag ay patuloy sa pagsapit,
Ngunit sa akin ay walang kamay na kumapit.
Sa bawat araw ang tanong ko ay bakit,
Ito ba ang buhay na dapat kong makamit?
VI
Sa wasak na tahanan ako nananahan,
Dito ay pawang kalituhan ang nakagisnan.
Bawat kasapi ay may dahilan at katwiran,
Tanging tinig ko ang ayaw pakinggan.
VII
Wala akong sala, bulong ko sa hangin.
Nais kong makamit yaring mithiin.
Kung ang pagbubuklod ay hindi ko maaangkin,
Buhay ko ay hahayaan na mundon ay lisanin.
VIII
Bawat araw ay puno ng tanong,
Sa aking isipan ay may bumubulong.
Ano ang nangyari…? Ako ay humantong,
Buhay ko ay umikot sa dilim ay gumulong.
Comments