APOY NG PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1989
I
Buhay at pag-ibig ay hindi pinaglayo,
Hirap at sarap ay sadyang magkasuyo.
Ligaya at lumbay ay hindi maitatago,
Sadya ngang mga ito ay kusang pinagtagpo.
II
Ang hapdi nitong puso ay hindi masuri,
Sa kaligayahan ay agad na mapapawi.
Kirot ng dibdib ay sadyang dalamhati,
Nang kalungkutang dulot nitong pighati.
III
Ito ang buhay na ating nakagisnan,
Sa nalalaman ko ay hindi maiiwasan.
Bahagi ito ng ating kapalaran,
Ang mabuhay sa mundong may kaguluhan.
IV
Ako ay nagtanong sa aking kaibigan,
Bakit ang mundo ay kay hirap maunawaan?
Sa pag-ikot nito ay pawang kalumbayan,
Ang pumupukaw sa aking katauhan.
V
Wika niya ay dapat akong makibahagi,
Sa nadama niyang lungkot at pighati.
Iyan ay pag-ibig na sa akin ay hapdi,
Ngunit daan ng aking ikaluluwalhati.
VI
Bigat ng dala niya ay isang sandigan,
Sa katulad kong isang makasalanan.
Pangako niya ay sa atin binitiwan,
Kaparusahan sa lahat ng magkulang.
VII
Pagsunod sa kanya ay isang kahirapan,
Apoy ng pag-ibig sa atin ay idadarang.
Siklab nito ay may hangganan at katapusan,
Handog nito ay si Dakilang Kaibigan.
VIII
Kaibigan natin ay Hesus ang pangalan,
Magpasalamat sa kanyang katarungan.
Apoy ng pag-ibig sa atin ay kaligtasan,
Sa kamunduhan ay hindi dapat takasan.
Comments