ARUGA NI INAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1992
I
Nagbigay buhay sa akin ay ang aking inay,
Yaring pag-ibig niya ang sa akin ay inialay.
Sa pagluluwal walang makakaramay,
Kamay ay ikinapit sa sarili niyang buhay.
II
Sa kapahamakan ako ay iniligtas,
Sa mali kong gawa, ako ay iniiwas.
Pag-ibig mo inay sa akin ay wagas,
Walang kaparis at wala din wakas.
III
Sa mundong tinatahak ikaw ay nakabantay,
At sa kahinaan ko inay ikaw ay nakaalalay.
Malimit mong hawak-hawak ang aking kamay,
At sa lungkot ko, ikaw ay dumadamay.
IV
Kaligtasan sa akin ay iyong inilaan,
Kahit pa ikaw ay sadyang masugatan.
Magawa mo lamang na ako ay ingatan,
At iyong ibabalik sa iyong kandungan.
V
Ang sarili mo ay iyong kinalimutan,
Minahal mo ako ng walang katanungan.
Ikaw ay sadyang mayroong kababaan,
Para sa anak, sarili mo ay tatalikdan.
VI
Pag-aaruga mo ay puno ng pasakit,
Kinukuha mo ang sa akin ay hagupit.
Pagmamahal mo ay hindi naging malupit,
Pagiging ina mo aking inay ay isang langit.
Comments