BAKIT SA SARILI LAGING MAY KULANG?
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hulyo 1992
I
Ibigin ang sarili bago ang iba,
Kilalanin ang pag-ibig bago ang pagsinta.
Huwag mong sabihin na umiibig ka,
Kung pagmamahal sa sarili ay hindi maipakita.
II
Walang maaaring sa iyo ay magmahal,
Kung sa sarili mo ito ay ipinagbabawal.
Unahin mong itayo ang sarili mong dangal,
Iharap sa mundo at ito ay ikarangal.
III
Sa iyo magmumula ang lahat mong ibibigay,
Kung wala kang kayamanan ay walang maiaalay.
Hindi mahalaga ang yaman na walang buhay,
Sapagkat sa puso ito ay nakamamatay.
IV
Ang pinakamahalagang maaari mong ihandog,
Yaring pag-ibig na sa puso mo ay humubog.
Ngunit kung ito ay isa lamang bulabog,
Manlalamig sa umaga na waring isang hamog.
V
Ikaw ang higit sa sarili mo ay nakakakilala,
Bawat mong pagkakamali ay ikaw ang nakakakita.
Ikaw ang makapagsasabi o maaaring humusga,
Ang walang bait sa sarili, sa puso ay may pangamba.
VI
Ito ang takot kung sa mundo ay tawagin,
Kaya sa Diyos ay may bulong na panalangin.
Ngunit kung sa sarili mo ay wala kang pagtingin,
Ang bawat mong dasal ay hampas sa hangin.
VII
Yaring paninindigan lamang ang kailangan,
At pagtitiwala sa sarili ang siyang kailangan.
Subalit kung ito ay panlabas na kaanyuan,
Pangarap ng puso mo ay mawawalan ng katuparan.
VIII
Kung hindi mo kayang sarili ay mahalin,
Hindi mo rin magagawa ang iba ay ibigin.
Nawa ay huwag sikapin na ito ay pilitin,
Sapagkat higit na masisira ang iyong damdamin.
Commentaires