BALIW NA PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Agosto 1991
I
Walang pag-ibig na makatotohanan,
Guni-guni lamang ito ng isipan.
Bumubulong sa puso mo ay kahibangan,
Mga pintig na pawang kasinungalingan.
II
Tunay na baliw ang pusong nagmamahal,
Ginagawa ang mali maging ang bawal.
Kahit sabihin pang ikaw ay hangal,
Tuloy ang buhay kahit na walang dangal.
III
Ang pag-ibig ay daan ng kamatayan,
Landas na tinatahak ay kadiliman.
Walang kaligayahan na matatagpuan,
Kalungkutan dito ay madalas kung minsan.
IV
Baliw na pag-ibig ay isang bulaan,
Paiibigin ka at tatalikuran.
Puso ay lulunurin sa kasiyahan,
Ngunit ito ay iiwanan na isang luhaan.
V
Mahirap mahalin ang tunay na pag-ibig,
Makikiagos ka sa daloy ng tubig.
Pikit mata mong pakikinggan ang pintig,
Mga katotohanan na ayaw mong marinig.
VI
Pag-ibig na nasa puso ay may dahilan,
Kaya lumalaban kahit nasasaktan.
Totoong ang magmahal ay hindi kamangmangan,
Ngunit para sa akin ay isang kabaliwan.
Comments