BATANG LANSANGAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 1990
I
Mula pagkabata ay akin ng nadama,
Ang mabuhay sa mundo na walang ligaya.
Namulat akong walang kumikilala,
Dito sa mundon ay isa akong basura.
II
Ako ay nagtanong sa aking sarili,
Bakit ako ay nilalang na marumi?
At wala man lang sa akin ay dumadampi,
Kahit na alikabok sa akin ay nadidiri.
III
Ito ba ang buhay na sa akin ay nakalaan?
Ang mabuhay sa mundong parang basahan.
Ni walang lumalapit na kahit sino man,
Tingin nila sa akin ay hindi makatarungan.
IV
Ang kinagagalawan ko ay kadiliman,
Kahirapan ay hindi ko maiwasan.
Bahagi ito ng aking kapalaran,
Maghirap sa mundo at dito ay yurakan.
V
Sa puso ko ay aking pinanindigan,
Harapin ang mundo at huwag nang talikuran.
Kahit puso ko ay hindi nila pakinggan,
Pagiging ako ay isang kayamanan.
VI
Marami ang sa akin ay nakakakita,
Subalit iilan ang kumikilala.
Ni wala man lang sa akin ay umaaruga,
Para akong basahan na bale wala.
VII
Basahan nga ako kung kanilang tingnan,
Ngunit may pusong marunong din masaktan.
Kahit ako ay munti sa kanilang tingin,
Hindi ko ikinait ang sila ay ibigin.
VIII
Sa tuwing ako ay lalapit sa kanila,
Tila isa akong munti at hindi kilala.
Hindi nila pansin sulyap ng aking mata,
Para silang bulag na hindi ako makita.
IX
Nang mapagtanto ko ang kadahilanan,
Hindi nila matanggap na ako ay pakinggan.
Sa munti kong hiling ay ayaw pansinin,
Tibok ng puso ko nawa ay inyong dinggin.
X
Hiling ko ay pag-ibig mula sa puso,
Pagmamahal at kalinga ay dalangin ko.
Nawa ay dinggin ang kahilingan kong ito,
Hanggang sa kamatayan, maghihintay ako.
Comentários