BATID NG DIYOS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1990
I
Sa iyo ko inihahayag ang lahat ng ito,
Mahirap man sabihin ngunit pawang totoo.
Nadarama ko sa iyo ay isang paraiso,
Na sa aking puso ay nagdulot ng pagbabago.
II
Mula pa noong una ay hinangaan na kita,
Ngunit puso ko ay nakadama ng pangamba.
May takot akong waring hindi ko maipinta,
Isang kahapong nagdaan aking naalala.
III
Puso kong ito ay nagmahal subalit nasaktan,
Ang dulot sa akin ay pawang mga kasawian.
Wagas na pag-ibig ay hindi ko nakamtan,
At ito ay nagtulak upang lahat ay kamuhian.
IV
Ang hanap ko ngayon ay ang aking karapatan,
Karapatang magmahal at matutong lumaban.
Sa iyo ay nadama ko ang aking kahalagahan,
At natuklasan ko ang aking patutunguhan.
V
Tunay na kaligayahan ang aking naramdaman,
At katotohanang hindi ko malilimutan.
Ito ay ang damdaming kay hirap isalarawan,
Pagmamahal na sa iyo ko inilaan.
VI
Kahit puso ko ay nakadama ng pagdurusa,
Hindi mo ipinagkait ang bagong pag-asa.
At ang idinulot mo sa akin ay ligaya,
Na nagbukas sa akin ng isang pagsinta.
VII
Pinipigil ko ang pintig nitong aking puso,
Sapagkat hindi ko kayang ikaw ay lumayo.
Hihintayin kong kusa mo na lang mapagtanto,
Ang ibinubulong nitong aking munting puso.
VIII
Batid ng Diyos na sadyang minamahal kita,
Subalit hindi ko maihayag ang pagsinta.
Buti pang ilihim ko at huwag nang ipakita,
At sa larawan ng pag-ibig ko ipipinta.
תגובות