BILANGGUAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 2008
I
Ang aking isipan ay isang bilangguan,
Sapagkat bakal na rehas ang kinasadlakan.
Bawat kong kilos ay pinagmamasdan,
Dahil ang hanggad, ako ay paratangan.
II
Aking pagkatao ay may hangganan,
Hindi tulad ng iba na may kakayahan.
Isipan ko ay hindi nila maintindihan,
Sapagkat ako ay may ibang kinagagalawan.
III
Pilitin ko man na ako ay kumawala,
Sa kulungan ng aking baluktot na diwa.
Ako ay walang kakayahang umunawa.
Sapagkat ang isipan ko ay walang laya.
IV
Iisa lamang ang aking nalalaman,
Ikaw at ako ay iisa ang kahahantungan.
Bagamat ang isipan ko ay nasa bilangguan,
Mundo ko ay hindi tulad ng iyong kulungan.
V
Magkaiba man ang ating kinagagalawan,
At hindi man nagkakaisa ang ating kaisipan.
Ikaw at ako ay patuloy na lalaban,
Sa mundong ating nakagisnan.
VI
Diwang sa akin ay kumukupkop,
Panatag na akong nagpapasakop.
Wala man sa diwa ko ang yumuyupyop,
May ligaya sa puso ko kahit isang salop.
Comments