BINIGKIS KONG PILIT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 2000
I
Nawasak na pamilyang pilit kong binuo,
At pinagsama-samang nawasak na puso.
Binigkis ko ito ng buo kong ibayo,
Hindi ko akalaing muli palang guguho.
II
Itong mga lamat ay nanatiling tinik,
Sa bawat dibdib ay parang palay na hinasik.
Pagsumikapan man matanggal yaring tinik,
Hindi mababago kahit sa lupa ay humalik.
III
Iniwanan kami at sa iba ay nagmahal,
Binuong tahanan ay agad na binuwal.
Mga mali ay ginawa at sinunod ang bawal,
Anak ay naiwanan nang walang balabal.
IV
Anak na nilisan ay nalungkot na lubha,
Kaya hinayaan na kapalaran ang kumalinga.
Upang ang pangarap ay amin ngang magawa,
Sa Diyos kami ay kumapit at nagtiwala.
V
Araw ay dumaan at ang taon ay bumilang,
Iniwang mga musmos ay hindi kinulang.
Sapagkat ang tadhana ay hindi nagkulang,
Ang lahat ng bagay ay pilit niyang pinunan.
VI
Nabago yaring lahat sa isang himala,
Muling pinagsama ang pamilyang nasira.
Ang akala ko ay wala akong magagawa,
Nang hilingin ko sa langit ay agad niyang iniadya.
VII
Ang bawat sandali ay nagbibigay saya,
Kahit na masaklap ang nagdaang alaala.
Basta kami ay matatawag na pamilya,
Walang halaga ang dinanas kong pagdurusa.
VIII
Sa pagsasama ay saglit ang inilaan,
Muling nawasak ang pagmamahalan.
Sapagkat hindi kayang limutin ang nakaraan,
Parang aninong kabuntot ng katauhan.
IX
Mahirap para sa akin na ito ay tanggapin,
Mula pagkamusmos ay akin ng dinalangin.
Ngunit kung ito ay hindi laan sa amin,
Wala akong magagawa kundi ang harapin.
X
Sadya ngang ang tao ay may sariling kagustuhan,
Hindi lahat ay makikipagtulungan.
Sapat na sa amin ang sila ay masilayan,
At ang puso naming lahat ay nagmamahalan.
XI
Ganoon pa man ako ay nagpapasalamat,
Kahit saglit pagbubuklod ay aking dinanas.
Hindi man nagtagal hinangad ko at pinangarap,
Pinaranas pa rin ang ibig kong malasap.
XII
Binigkis kong pilit ang aming mga puso,
Sa bawat araw sa Diyos ako ay nagsusumaamo.
Tagumpay namin ang bawat pagkabigo,
Dahil landas ng pagmamahalan ay aming natamo.
Comments