BINITBIT SA LIBINGAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 1, 2009
I
Sa aking murang kaisipan,
Edad ko ay limang taong gulang.
Aking hinarap yaring kalungkutan,
Dulot ng pamilyang hindi ko maunawaan.
II
Sa paglipas nitong araw,
Ang mundo ko ay gumagalaw.
Umiikot sa lungkot at pamamanglaw,
Hinagpis sa dibdib ko ay waring inihataw.
III
Aking hinayaan pusong nagdurugo,
Umayon ako saan man patungo.
Hinarap ko ang buhay kahit nakayuko,
Umaasang sa huli ay may matatamo.
IV
Ikaw aking ama, sa akin ay bumigo,
Iniwanan mo kami at hindi na sinundo.
Sa gitna ng lungkot puso ay nagdurugo,
Habang sa iba ay doon ka nanunuyo.
V
Kami ay iniwanan mo at tinakasan,
Binitbit mo at dinala ang iyong kasiyahan.
At kami ay iniwan na isang luhaan,
Sa gitna ng dilim, kami ay pinabayaan.
VI
Bakit hindi mo nilingon kaming naghihintay?
Wari bang ama itinuri mo kaming patay.
Pagmamahal mo ay sa iba ibinigay,
Malupit na kapalaran ang sa amin ay inialay.
VII
Sa gitna nitong buhay ikaw ay nagbalik,
Bunga ng panunuyo na sa iyo ay ipinanhik.
Sa aming pakiusap ikaw ay humalik,
Ngunit pagmamahal mo sa amin ay hindi inihalik.
VIII
Agad kang tumakbo at sa amin ay lumayo,
Sa iyong kahapon ay doon ka muling tumungo.
Sa muling pagkakataon kami ay iyong binigo,
Ang sugat sa puso ay hindi na nahango.
IX
Ako ay nag-isip at nagnilay-nilay,
Bakit pagmamahal mo ay hindi mo inialay.
Kami sa iyo ay tunay na nagbigay,
Nitong pagmamahal na walang kapantay.
X
Aking nabatid ang totoong dahilan,
Pag-ibig mo sa amin ay walang katuturan.
Kahit pa kami ay lumaban sa kapalaran,
Hindi mo magawang damdamin namin ay ingatan.
XI
Wala na akong hinangad o inasam,
Sapagkat puso ko ay tunay na nagdamdam.
Sa kapalaran na aking nakamtan,
Lupit ng pag-iisa sa gitna ng kalungkutan.
XII
Iyong iyo na ang iyong buhay,
Hindi na kami sa iyo ay maghihintay.
Napapagod ang puso sa diwang nalulumbay,
Ikaw ay hahayaan sa sarili ay magbulay-bulay.
XIII
Humayo ka na at huwag nang bumalik,
Tumungo ka saan mo man ibig mamanhik.
Hindi na ipagpipilitan na sa iyo ay ihalik,
Ang pagmamahal na sa iyo ay nasasabik.
XIV
Aming tatanggapin itong kapalaran,
Pag-ibig sa ama ay hindi na ipagpipilitan.
Sa hukay ay ibabaon, aming nararamdaman,
Itong pagmamahal ay binitbit sa libingan.
Comments