BUGSO NG DAMDAMIN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 22, 2004
I
May langit kayang sa akin ay naghihintay,
Kung kikitilin ko yaring aking buhay.
Ang kamatayan ay hindi ko na mahintay,
Sa mundong ito ay nais kong mahimlay.
II
Hindi magsasawang kamatayan ay sambitin,
Araw at gabi ay ito ang aking mithiin.
Sa Diyos ay ito ang aking dinadalangin,
Na ang kamatayan nawa ay aking kamtin.
III
Puso ko ay umusbong nang mayroong sugat,
Mula kamusmusan damdamin ay may lamat.
Pag-ibig sa pamilya ako ay salat,
Tahanan ay winasak sa isang hudyat.
IV
Kami ay nilisan sa hindi ko mawari,
Mga puso namin ay iniwang mga sawi.
Tanging hangin ang sa amin ay nanatili,
Sa mga hampas niya kami ay nanalagi.
V
Walang dahilan sa mundo ay manatili,
Ang katulad ko ay hindi dapat mamalagi.
Sa mundong ito ay hindi ako magwawagi,
Kamatayan ang dapat sa tulad kong sawi.
VI
Aking pagkatao ay nilinis kong tunay,
Umiwas sa mali at sa dukha ay dumamay.
Nagmahal ng lubos, wagas at dalisay,
Subalit sa iba ito ay walang saysay.
VII
Sariling kalahi sa akin ay humamak,
Sa pagtatakwil, puso ko ay nawasak.
Mga kataga nila sa puso ay tumatak,
Kaya damdamin ko ay napalublob sa lusak.
VIII
Kaya kamatayan sa akin ay ilapat,
Pagkatao ko sa kanila ay hindi sapat.
Kamatayan ko ay paghilom sa sugat,
Nitong pusong sa pagmamahal ay salat.
IX
Bagamat kay lupit ng aking dalangin,
Buhay na bigay ay hindi ko wawasakin.
Kahilingan ko ay hindi dapat na sambitin,
Nadarama ko ay bugso ng damdamin.
X
Daan ng tagumpay lahat kong dinanas,
Kalupitan ng tadhana ay magwawakas.
Pagdadalamhati ng puso ay lilipas,
Sa hangin ay ipagpag dusang kumukupas.
Comentarios