BUHAT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 25, 2016
I
Buhat nang ikaw ay lumisan,
Ako ay napdpad kung saan.
Lungkot ang naging hantungan,
Nang puso kong luha ang tangan.
II
Batid ko ang hangganan ng buhay,
Ang pagluluksa ay may luhang taglay.
Unawain ko man, hanap ko ay karamay,
Tanging alaala ang sa akin ay dumadamay.
III
Buhat nang ang mga mata ko ay lumuha,
Umagos ang lungkot na hindi ko mapuksa,
Sa sarili ang isipan ko ay nawawala,
Nasa liblib ng mundong mandaraya.
IV
Masaklap man ang hinagpis nitong puso,
Ikaw pa rin ang lagi kong sinusuyo.
Libingan mo man ang sa akin ay bumigo,
Hindi kita lilisanin kahit puso ay nagdurugo
V
Buhat ng kita ay hindi ko na nakita,
Sa dilim ng gabi ay hinahanap kita sa tuwina.
Sa aking panaginip sumusulyap ka aking ina.
Ligayang nadarama ko ay hindi kayang ipinta.
VI
Buhat nang ako ay naiwan.
Ang puso ko ay nawalan ng sandigan.
Tanging habilin mo ang aking tangan-tangan,
Sa puso ay itinatak ang iyong kadakilaan.
Comments