BUHAY KO AY SA IYO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1989
I
Sa sinapupunan mo ay ligayang tunay,
Nang isinilang ako, handog mo ay buhay.
Diyan sa kandungan mo ako nahimlay,
Pagmulat ko ay ngiti mo ang nakatunghay.
II
Kay sarap mabuhay sa piling mo inay,
Nadama ko sa iyo ay pag-ibig na tunay.
Sa bawat kilos ko ikaw ay nakasubaybay,
At natuklasan kong ikaw ay aking gabay.
III
Saan man magtungo ay laging nakatingin,
Malayo na ako ay habol mo pa ng pansin.
Hindi malimutan bunso mo ay silipin,
Kahit na saglit pilit mong dudungawin.
IV
Paghihirap mo sa akin ay walang kaparis,
Sakit ng dibdib mo ay laging tinitiis.
At ang dinanas mo ay binigyang lunas,
Nang pag-ibig mong wagas, hindi kumukupas.
V
Bagamat sa akin ay walang makakamit,
Paglilingkod mo ay hindi mo ipinagkait.
Kahit na ikaw ay nakadama ng pasakit,
Nagnasa ka pa rin magdulot ng langit.
VI
Buhay ko ay sa iyo ko iniaadya,
Walang kabuluhan, buhay ko man ay mawala.
Ang ibig ko inay ikaw ay lumigaya,
Itong handog ko nawa ay iyong madama.
VII
Basta ang handog ko ay itong aking puso,
At doon sa langit ay iyong matatanto.
Ang sinasabi ko ay walang halong biro,
Pagmamahal ko ay sa iyo sumasamo.
VIII
Pag-ibig ko ay sa iyo ko iniaalay,
Walang kabuluhan ang lahat ng bagay.
Maihandog ko lang itong aking buhay,
Buhay na sa iyo ay aking ibibigay.
Commentaires