BUHAY MO AY IKAW
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 27, 2008
I
Ang buhay ng tao ay masalimuot lakarin,
Walang isang sandaling maaari mong angkinin.
Sa bawat hakbang may sugat kang gagamutin,
Ito ay dulot ng mga bato sa pinong buhangin.
II
Kalituhan sa isip ang siyang nananaig,
Sapagkat ang mundo ay likas na maligalig.
Ikaw ay isa sa sanhi ng bigo mong paligid,
Sa hindi mo pagtanggap sa dapat mong mabatid.
III
Isipan mong litong-lito ay mag muni-muni,
At iyong pakinggan ang ibon na humuhuni.
Huwag mong pagkaisipin lahat ay madali,
Kailangan mo ng ibang sa iyo ay magpapawagi.
IV
Mata mong nagbubulag-bulagan ay iyong buksan,
Upang makita mo ang hindi mo nasisilayan.
Huwag kang pumikit sa mundong nilalakaran,
Sapagkat yaring dilim ay magandang pagmasdan.
V
Yapusin mo ang lahat na sa iyo ay nagaganap,
Kaya ka nabibigo ay wala kang pagtanggap.
Huwag mong hanapin ang hindi mo mahahanap,
Iyong yakapin ang sa iyo ay nakaharap.
VI
Sa buhay na ito ay ikaw ang siyang kikilos,
Tanging ikaw din ang gagamot sa iyong mga galos.
Pilitin mong damdamin ay huwag maghikahos,
Upang ang buhay ay madali mong maikilos.
Comments