BUKAS MAY BUKAS PA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hulyo 1995
I
Lumilipas ang araw sa takbo ng panahon,
Naiiwan ang noon karugtong ng kahapon.
Patuloy na sumasabak sa hamon ng ngayon.
Upang sa kinabukasan ay matunton ang tugon.
II
Ano nga ba ang mayroon sa araw ng bukas,
Ligaya ba o lungkot ang sa tao ay hahampas?
Buhay ba o kamatayan yaring madadanas?
Kung ito ay langit, nawa ay huwag nang magwakas.
III
Subalit ang lahat ay wala namang katiyakan,
Hindi natatanaw ang araw ng kinabukasan.
Walang nakasisiguro ng kahihinatnan,
Itong ating buhay, saan nga ba nakalaan?
IV
Sa kaliwa ba o sa kanan, saan ba ang daraanan?
Nasa tao ang paghubog ng kanyang lalakaran.
Mapatid man siya ng kahit sino man,
Ituloy ang buhay, ligaya ay makakamtan.
V
Minsan ang tadhana sa tao ay may itinakda,
Ang guhit ng palad ay sadya ngang iniadya.
Kapag binago ng tao kapalit ay luha,
Ngunit kung minsan ligaya ay matatamasa.
VI
Kung itong bukas ay sa puso sasawi,
Tanggapin lahat ito ng maluwalhati.
Dapat pagkatandaan hindi ito mananatili,
Sa darating na bukas kakamtin ay pagwawagi.
Comentários