BUNGA NG KALAWAKAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1991
I
Masdan mo ang araw sa dakong silangan,
Ang sinag niya ay kay gandang pagmasdan.
Para bang nagsasaad ng bagong kapalaran,
Sa iyo sa akin may bukas pang nakalaan.
II
Tingnan mo ang araw sa gitna ng langit,
Nakakasilaw pagmasdan at lubhang mainit.
Nagdudulot siya ng dusa at pait,
Sa mga pusong punong-puno ng pag-ibig.
III
Sa dakong kanluran ay ating makikita,
Lumulubog na araw na puno ng saya.
Sapagkat naidulot niya sa atin ay ligaya,
Ito ang pighating ating nadama.
IV
Pilit tayong sinaktan at sinadyang sugatan,
Upang ipadamang tayo ay may kabuluhan.
Iyan ang pagsubok na dapat paglabanan,
Upang ang ligaya ay higit nating makamtan.
V
Sa dilim ng gabi ay ating makikita,
Mga bituing pilit na nagsama.
Nagniningning na liwanag sa gitna ng dusa,
Upang ipagbuklod ang isang pag-asa.
VI
Tingnan natin ang liwanag ng buwan,
At ang ganda niya ay ating pagmasdan.
Kawangis niya ay pag-ibig sa kalawakan,
Tulad ng pagsintang ating nararamdaman.
Comments