BUNSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 19, 2006
I
Yaring bunso ay anak na huling isinilang,
Dito sa mundo ay lagi siyang walang muwang.
Siya ay laging buntot nitong kanyang magulang,
Kinikilala niya ay tanging ama at ina lamang.
II
Sa magulang na mahal ay mahigpit ang kapit,
At ayaw mapawalay kahit na isang saglit.
Sa piling ng magulang, tingin niya ay langit,
Sapagkat dito ay walang pighati at pasakit.
III
Yaring anak na bunso ay hindi hihiwalay,
Hanggang magulang niya ay mayroong buhay.
Tanging sa kanila lamang nakasalalay,
Kung bakit ang bunso ay punong-puno ng kulay.
IV
Kung sakali man magsanga itong mga landas,
At dumating ang hantungan sa pagwawakas.
Sa puso at isipan ni bunso ay hindi kukupas,
Ito ay mananatili kahit isang bakas.
V
Pipilitin niya at ipagpipilitan,
Na ang kamay ni bunso ay hindi dapat bitiwan.
Kahit dumating pa itong huling hantungan,
Ang bunso ay kakapit at maninindigan.
VI
Kung sakali man kailangan ng bumitaw,
Bunso ay makakadama ng pamamanglaw.
Yaring kalawakan ay magkukulay bughaw,
Kung si bunso ay iiwanan nitong tanglaw.
Comments