DAKILANG PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1989
I
Batid ko o Hesus ang iyong pag-ibig,
Noon pa man ay iyong ipinahiwatig.
Dito sa puso ko ay laging pumipintig,
Ang katotohanang nais iparinig.
II
Mga kapighatian iyong naranasan,
Puso ko ay nalumbay, waring walang buhay.
Nang mapagtanto ko ang kadahilanan,
Pag-ibig sa iyo ay aking naramdaman.
III
Ang dugong umagos sa iyong tagiliran,
Pag-ibig na tunay at hindi malilimutan.
Ang luha mong tumulo sa halamanan,
Naging tanda ng iyong kadakilaan.
IV
Sakit ng puso mo ay hindi ipinagkait,
Maging hapdi nito ay abot hanggang langit.
Handang magtiis iyo lamang makamit,
At ihandog sa kasalanang malupit.
V
Nabatid kong ako ay makasalanan,
Kinalimutan kita at tinalikuran.
Nang ikaw ay kumatok ay aking natuklasan,
Pinatawad mo ang aking kahinaan.
VI
Wagas na pag-ibig ang iyong inialay,
At ang katulad ko ay binigyan ng buhay.
Pinatawad mo ako at sa langit hinintay,
Ang dakilang pag-ibig ay handang mamatay.
Comments