DALAMPASIGAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 2, 2007
I
Sa pampang may dalawang pusong nagmamahalan,
Nagbabaybay sila doon sa dalampasigan.
Doon ay nagbibigkas ng mga wikang binitiwan,
Ang bawat isa ay may pangakong sinumpaan.
II
Dalawang puso ay dekada ang pinagsamahan,
Ngayon sila ay muling magsusumpaan.
Upang mapanatili ang bawat sinimulan,
Wagas na pag-ibig nila ay hanggang sa libingan.
III
Yaring mga puso nila ay itinuring na tubig,
Upang madaling matanggap hatol ng daigdig.
Dito ay nasusubok ang tunay na pag-ibig,
May kakayahang umagos sa ipinipintig.
IV
Pinagsama ng Diyos ay hindi magkakahiwalay,
Sapagkat ang dalawang puso ay inaalalay.
May alon man sa dalampasigang binabaybay,
Tunay na pagsinta sa agos ay hindi patatangay.
V
Dalampasigan ay habang buhay na lakaran,
Upang ang bawat puso ay magkaunawaan.
Madaling tanggapin itong bawat kahinaan,
Tubig kang magpapaagos sapagkat kailangan.
VI
Dalampasigan, mahaba man kung babaybayin,
Sa pagbabaybay ito ay masarap na lakarin.
Ang bawat pasakit ay hindi mo mapapansin,
Kung ang iyong puso ay ituturing na buhangin.
Komentari