DAMDAMIN AY PANSININ
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 2002
I
Mahabang panahon ang aking pinaghintay,
Na makapiling ka at sa amin ay gumabay.
Umasa akong ibibigay yaong mga kamay,
Na hahaplos sa puso naming nalulumbay.
II
Damdamin mo sa amin ay tila malayo,
Hindi mo maipadama ang iyong pagsuyo.
Kahit na ako sa iyo ay nagsusumamo,
Hindi mo kinalinga munti naming puso.
III
Nagbigay buhay sa amin ay iyong sinaktan,
Ang damdamin niya ay hindi mo iningatan.
Gaano man kabigat ang iyong dahilan,
Hindi ito sapat upang puso niya ay yurakan.
IV
Kaming mga supling mo ay hindi mo kinalinga,
Sa panahon kami ay iyong pinaubaya.
Tanging kapalaran sa amin ay nag-aruga,
Ang iyong paglayo ay iyo nga bang sinadya?
V
Hindi ko alam kung ano ang dahilan,
O sanhi ng iyong sa amin ay pag-iwan.
Paggalang namin sa iyo ay inilaan,
At ang damdamin mo ay aming iniingatan.
VI
Ngunit kami sa iyo ay walang halaga,
Hindi mo pinapansin aming nadarama.
Kahit dulot mo sa puso ay pagdurusa,
Pagmamahal namin ay iyong makukuha.
Comments