DINGGIN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1992
I
Pakinggan mo yaring aking tinig,
Sa puso mo ay aking iparirinig.
Ang lahat ay aking ipahihiwatig,
Maging ang damdamin na lumiligalig.
II
Lahat kayong mayroong unawa,
Ako ay huwag ipagwalang bahala.
Dinggin ninyo yaring aking mga wika,
At damhin ang aking mga salita.
III
Itong puso ko ay inyong tingnan,
Pagkatitigan bago husgahan.
Mababatid yaring kalooban,
Kung ako ay inyong pakikinggan.
IV
Ang diwang may malawak na isip,
Sa panahon ay huwag maiinip.
Damhin yaring hanging umiihip,
Sa kaguluhan ay isasagip.
V
Ako ay inyong pagkahawakan.
Upang higit ninyong maunawaan.
Buksan ninyo ang inyong isipan,
At kayo ay hindi maguguluhan.
VI
Kung salita ko ay inyong diringgin,
Mauunawaan ang damdamin.
Yaring kahilingan ko ay tanggapin,
Saya ng puso ay sasapitin.
Comments