DIWA NG MANUNULAT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 9, 2016
I
Napagmunian ko ang isang kaisipan,
Diwa ng manunulat ay aking pinagnilayan.
Nakita ko ang isang katotohanan,
Lumilikha ang isip, gabay niya ay karunungan.
II
Bawat isinasalaysay ng diwa ay may sanhi,
Mula sa saya at lungkot na humuhuni.
Minsan ito ay likha ng diwang inaapi,
Pagharap sa kapalaran sa pluma ay sinasangguni.
III
Dulot ay kapanatagan sa mambabasa,
Napapanatag ang diwang nasa pagdurusa.
Mapang aliw ang salita at aral ay makikita,
Sa limbag ng manunulat, puso ay giginhawa.
IV
Bagamat iisang isip ang iyong kausap,
Mapaglinlang at malikhain ay masayang kaharap.
Dulot ay pag-asa sa diwang mapaghanap,
May aral kang mapupulot na sa iyo ay lilingap.
V
Ang diwa ng manunulat ay kay sarap kasama,
Kahit salita ay mapagkunwari at mapanghusga.
Diwang mapagnilay sa puso ay nakakaginhawa,
Salita'y umuukit ng liwanag sa dusang nangangamba.
VI
Mga karunungan ay iyong makikita,
Sa puso at isipan niya ay iyong makukuha.
Tuklasin mo ang diwa niya na kay ganda,
Ang diwa ng manunulat ay kay sarap kasama.
Comments