DUGONG NANANALAYTAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 1990
I
Ngayon ko naalala ang lahat kong nakalipas,
Magmula sa simula at umpisa hanggang wakas.
At ang lahat ng ito ay sa puso ko bumakas ,
Sa mapait kong kahapon ay pilit akong tumakas.
II
Munti pa akong bata ng maganap ang lahat,
Sa magulong tahanan doon ako namulat.
Doon ay hinanap ko ang pag-ibig na tapat,
Ngunit kapighatian ang sa tahanan ay nagbuhat.
III
Ang nagdulot ng buhay sa akin ay lumisan,
Hindi ko mabatid ang kanyang kadahilanan.
Iniwan niya akong hindi ko pansin at namalayan,
Basta ang tanong ko, bakit niya ako tinakasan?
IV
Marami ng panahon ang sa akin ay dumaan,
Ngunit walang galit sa puso ko at isipan.
Sapagkat mahal ko siya sa maraming dahilan,
At hindi ko kayang siya ay aking kalimutan.
V
Masakit ang nangyari sa aking buhay,
Sapagkat ang naganap sa katauhan ko ay pumatay.
Ngunit ang pag-ibig ko sa kanya'y hindi nahimlay,
Dahil dugo niya ang sa katawan ko'y nananalaytay.
VI
Ang munting tahanan na kanyang iniwan,
Nagmistulang bangka sa gitna ng karagatan.
Sa pag-alon ng tubig, walang patutunguhan,
Sa dilim ng gabi, tanglaw lamang ay buwan.
VII
Libong taon na ang sa tahanan ay nagdaan,
Nagbalik siya sa dampa niyang iniwanan.
Hindi ako umalis noong puso ay sinaktan,
At naghintay ako hanggang sa kasalukuyan.
VIII
Walang kasing saya itong aking nadarama,
Parang kahapon lamang ng huli kaming nagkita.
Kay laki ng pagbabago sa aming dalawa,
Ang iniwan niyang pighati ngayon ay ligaya.
IX
Subalit tila nagbago ang kanyang katauhan,
Ang ugali niya ay hindi na tulad ng nagdaan.
Hindi na niya alam kung ano ang katotohanan,
At ang bumabalot sa kanya ay kasakiman.
X
Nagbalik siya, sa ano kayang dahilan,
Ibig kaya niyang ibalik ang nakaraan?
O gagamutin niya ang pusong sinugatan,
Umaasa akong pag-ibig niya ay ilalaan.
XI
Subalit mali ang lahat kong akala,
Nagbalik pala siyang may ibang nasa.
Kung ang hangad niya ay magkaroon ng laya,
Lahat ay matatamo niya ng wala akong wika.
XII
Kanyang makakamtan ang bawat niyang naisin,
Hindi na magdaramdam yaring aking damdamin.
Masaktan man ako ay akin na lang titiisin,
Iyan ang pag-ibig na nagmula sa akin.
XIII
At kung walang pag-ibig na nasa aking puso,
Marahil sa kanya ay tuluyan na akong lumayo.
Sapagkat hindi siya ang sa akin ay hahango,
Dahil tulad niya ang mundong mapagbalatkayo.
XIV
Kung 'di niya ako kayang tanggapin at mahalin,
Umasa siyang hindi ko siya pipilitin.
Ngunit huwag niyang ipagkait ang siya'y ibigin,
Dahil ito lang ang isinisigaw ng damdamin.
XV
Ang dugong nananalaytay sa aking katawan,
Ay naging dahilan upang siya ay maunawaan.
Kung hindi lang kasalanan ang siya ay iwanan,
Sana ay matagal ko na siyang tinakasan.
Comments